Bagong piitan sa Batangas City Jail, pinasinayaan

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 07:12 PM

Ang bagong piitan sa Batangas City Jail. ABS-CBN News

Isang bagong piitan ang itinayo sa loob ng Batangas City Jail at inaasahang makababawas sa siksikan ng mga preso sa kulungan.

Pinasinayaan nitong Biyernes ang bagong piitan na mayroong 36 na seldang nahahati sa dalawang building. 

Ayon sa pamunuan, aabot na umano sa 450 percent ang congestion rate sa loob ng Batangas City Jail. Halos 500 inmates ang umano'y pinagkakasya rito at 75 percent nito ay may mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Sa bagong piitan, ang bawat selda ay may lawak na 45 square meters. Sampu ang kakasya rito kung susundin ang minimum na sukat kada inmate na 4.7 sqm, ayon sa United Nations minimum standard rules for the treatment of prisoners.

Tinatayang 360 inmates ang kasya sa bagong piitan.

May allowance pa raw ito sakaling dumoble pa ang bilang ng mga nakakulong dahil sa patuloy na kampanya kontra droga.

"Kung sakaling madagdagan, maluwag pa rin naman, although hindi natin masusundan 'yung ideal space for the inmate, pero hindi naman siya ganun kasikip kagaya ng dati na sa isang selda na 30 sqm ay nagha-house tayo ng 50 to 60 inmates," ani Jail Supt. Lorenzo Reyes, warden ng Batangas City Jail.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology, nasa P31 milyon ang inilaang pondo ng national government para sa proyekto. 

Donasyon naman umano ng lokal na pamahalaan ang lupang tinayuan ng gusali, kasama ang pinasinayaang prisoners' van.

"Nakita nila 'yung naging epekto, tumaas 'yung jail population, so para ma-arrest 'yung jail congestion nagpagawa tayo ng bagong building," ani Reyes.

Target pang mapatayuan ng administration building at malagyan ng perimeter fence ang bagong jail facility na planong gawing fully-operational bago matapos ang taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.