5 patay sa sunog sa Bacoor, Cavite

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 08:17 AM | Updated as of Apr 24 2018 10:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - (UPDATED) Patay ang 5 magkakapamilya sa sunog na sumiklab sa isang compound ng mga apartment sa Bacoor, Cavite, Martes ng madaling araw.

Kabilang sa mga namatay ang 37 anyos na lalaki, misis nitong 27 anyos, sanggol na tinatayang nasa 4 hanggang 7 buwang gulang, lalaking 3 anyos at babaeng nasa 14 hanggang 17 anyos. 

Natagpuan silang magkakasama sa loob ng banyo ng nasunog apartment, ayon kay PO2 Francis Mark Cortez ng Bacoor police.

Iisa lang aniya ang pintuang malalabasan sa bungalow-type apartment kaya malamang na nahirapang lumabas ang magkakapamilya. 

Hinahanap pa ng pulisya ang mga malapit na kamag-anak ng mga biktima para maipaalam sa kanila ang pagkamatay ng lima.

Ayon sa Bureau of Fire Protection sa Bacoor sumiklab ang sunog sa F.E. De Castro Subdivision II sa Barangay Aniban V pasado alas-2:00 ng madaling araw, at naapula lamang makalipas ang 2 oras.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog--ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.