3 civilian agent ng militar, arestado sa paglabag sa gun ban

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 09:19 PM

COTABATO CITY - Arestado ang tatlong civilian agents ng militar dahil sa paglabag umano sa gun ban na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng nalalapit na halalan.

Ayon sa pulisya, una silang nakatanggap ng report na mayroong aksidente sa lugar na sakop ng Police Station 3. Matapos ang ilang minuto, nakatanggap muli sila ng report na may baril ang mga lalaking sinasabing naaksidente.

"May nahuli, tatlo sila, sa Police Station number 3, report 'yan ng ating citizen," ani Cotabato City Police Director Senior Supt. Rolly Octavio.

Nakuha mula sa mga nahuling lalaki ang tatlong kalibre .45 na baril. Kasalukuyang nakakulong ang mga ito sa Police Station 3.

Tumanggi naman ang pulisya na pangalanan ang tatlong arestado na haharap sa kasong paglabag sa election gun ban.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.