27 sugatan sa aksidente sa Leyte

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 03:05 AM

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

CAPOOCAN, Leyte - Sugatan ang 27 katao sa salpukan ng isang trak at 2 pampasaherong van sa Capoocan, Leyte Lunes ng umaga.

Nangyari ang aksidente sa palusong at kurbadang daan sa may national highway ng Sitio Ansubas, Barangay Cabul-an pasado alas-9 ng umaga.

Ayon kay Tirso Carbon, drayber ng trak, nawalan umano ng preno ang kaniyang minamanehong sasakyan na dahilan ng pagbangga nito sa kasalubang na pampasaherong van.

Galing ang trak sa Mandaue City, Cebu at patungo sa Calbayog, Samar para maghatid ng grocery items.

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Sa lakas ng pagkakabangga, natamaan din ang isa pang pampasaherong van na nasa likuran ng unang tinamaan na van.

Umabot sa 27 katao ang nasugatan sa insidente, kabilang dito ang mga pahinante ng trak at mga pasahero ng 2 pampasaherong van.

Dinala sa Carigara District Hospital ang mga biktima at inilipat sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City. - ulat ni Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.