2 lalaki, sugatan sa nadisgrasyang motorsiklo

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 12:12 PM

Agad na rumesponde ang Central 911 sa dalawang lalaking nasugatan nang maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Davao City. Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Dalawang lalaki ang sugatan matapos na madisgrasya ang sinakyan nilang motorsiklo sa Toreno Compound sa Panacan, Martes ng madaling araw.

Agad na rumesponde ang Central 911 para tulungan sina Archie Elminero, 19, at angkas nitong si Rich Geralla, 18.

Ayon kay Geralla, mabilis ang takbo nila kaya nawalan ng kontrol sa motorsiklo si Elminero. Wala ring suot na helmet ang dalawa kaya nagtamo rin sila ng sugat sa ulo.

Paalala naman ng awtoridad na dapat nakasuot ng helmet ang mga nagmomotorsiklo at pag-iwas na rin sa pagmamaneho kung nakainom ng alak.

Dati nang ipinahayag ni Mayor Sara Duterte na walang matatanggap na tulong mula sa lokal na pamahalaan ang sinumang madidisgrasya sa motorsiklo na hindi nakasuot ng helmet.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.