Naaktuhan sa CCTV ang paggamit sa isang bata para magnakaw ng cellphone sa isang establisyimento sa Cogon public market, Cagayan de Oro City.
Nagpanggap na mamimili ang 2 babae na may kasamang bata habang abala at nakatalikod ang tindera.
Pinapasok ng isa sa mga babae ang batang lalaki sa stall at nagmamasid-masid kung ano ang maaaring kunin na gadget.
Pinalapit ng babae ang bata at sinenyasan kung saan ang kukuning cellphone habang walang kamalay-malay ang saleslady na nasa tabi lang ng bata.
Matapos matangay ang gadget, agad namang ibinigay ng bata ang cellphone sa kasama nitong babae.
Ayon sa chief ng cecurity ng establisyimento na si Richard Cataran, napapalibutan ng CCTV ang lugar pero hindi ito nakapagpigil sa mga kawatan.
Dagdag pa ni Cataran, kadalasan nasa 12-15 anyos ang madalas nilang nahuhuli pero ngayon, naniniwala silang 4 na taong gulang lang ang batang nasa video.
Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente.
Ayon kay SPO1 Cherly Tagbo, modus ng kawatan ang paggamit ng mga bata dahil alam nilang hindi maaaring makulong ang mga menor de edad.
Tinututukan rin ng mga otoridad ang posibilidad na mga magulang ng mga bata ang mga babae sa video.
Babala ni Tagbo sa mga magulang na ginagamit ang mga anak sa krimen o kaya pinapabayaan ang mga ito na palaboy-laboy, maaari silang kasuhan ng parental neglect.
Mula Enero hanggang Marso nitong taon, 36 na ang mga kaso ng children in conflict with the law ang natala ng Police Station 6 Cogon.
Greanne Mendoza, ABS CBN NEWS.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.