PatrolPH

Dating nakulong dahil sa droga, patay sa pamamaril sa Maynila

Champ de Lunas, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2023 11:39 AM

Patay ang isang 25 anyos na lalaki matapos barilin sa Tondo, Maynila, Abril 23, 2023. Retrato mula sa Manila Police District
Patay ang isang 25 anyos na lalaki matapos barilin sa Tondo, Maynila, Abril 23, 2023. Retrato mula sa Manila Police District

Patay ang isang 25 anyos na lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Tondo, Maynila nitong madaling araw ng Linggo.

Naglalakad ang biktima sa eskinita sa Parola Compound nang ilang beses siyang barilin, na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay, ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District (MPD).

Ayon sa ina ng biktima, 30 minuto bago ang krimen ay napansin niyang may ka-chat ang anak sa cellphone at nakakunot ang noo nito.

Sinubukan umanong silipin ng pinsan ng biktima ang kausap sa cellphone pero nililihis ito ng binata. Kasunod nito'y umalis na ang anak at nabalitaan na lang ng ina na binaril na ito.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.

"Lahat po ng anggulo tinitingnan po namin, lalo na po 'yong naging kaso niya dati na may kinalaman sa droga," ani Police Senior Master Sergeant Boy Niño Baladjay ng MPD.

"Ayon po sa pagi-imbestiga namin, itong biktima ay dating nakulong sa kasong may kinalaman sa droga noong 2021 at ngayong taon lang siya nakalaya," ani Baladjay.

Nagsasagawa ng follow-up operation at backtracking ang mga awtoridad kaugnay sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.