Arestado ang isang lalaki matapos molestiyahin ang kaniyang menor de edad na kapitbahay sa Quezon City, sabi ngayong Linggo ng pulisya.
Inireklamo ng mga magulang ng babaeng biktima ang 24 anyos na suspek, na taga-Barangay Bagbag, Novaliches. Agad umanong rumesponde ang mga awtoridad kaya nahuli ang suspek.
Base sa imbestigasyon ng Quezon City police, naghahapunan ang pamilya ng biktima kasama ang suspek.
Nang pumunta sa banyo ang biktima, hinintay siya ng suspek at biglang hinawakan sa maselang bahagi ng katawan.
Tinakot din umano ng suspek ang biktima na kung hindi ito susunod sa sasabihin niya'y sasabihin niya sa magulang ng biktima na isa siyang bully sa paaralan.
Kinausap umano ang biktima ng kaniyang ina matapos nitong mapansin ang kakaibang pakikitungo sa suspek.
Nilahad umano ng bata ang mga ginagawa sa kaniya ng suspek, na nagsimula pa pala noon pang 2010.
Paalala ni Capt. Mann Erik Felipe ng Quezon City police, dapat laging bantayan ng mga magulang ang mga menor de edad at huwag sila iiwan sa mga kakilala.
Ipinayo rin ni Felipe sa mga magulang na laging kausapin ang mga anak para malaman kung may pinagdadaanang problema.
Aminado naman sa kaniyang ginawa ang suspek, na mahaharap sa kasong child abuse.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.