Ina ng batang inihampas sa pader ng nag-aalaga, dumating na sa Pilipinas

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2022 11:20 PM | Updated as of Apr 24 2022 08:00 PM

Watch more News on iWantTFC

Ala una nitong Sabado ng hapon, dumating na sa Pilipinas ang nanay ng 2-taong gulang na batang babae na namatay matapos na ihampas sa pader ng nagbabantay nito.

Mula sa airport, sinundo ang ina ng Philippine National Police at kabarangay nito.

Wala kasing pamasahe ang nanay na galing pang Libya kung saan ito nagtatrabaho bilang kasambahay.

Tulala at hindi makausap ang ina.

Mula sa airport dinala ito sa ospital kung saan nakalagak ang labi ng bata para kunin ang bata.

Mula sa ospital, dinala ito sa mosque ng Barangay Cullat Quezon City para masunod ang ritwal ng paglilibing ng mga Muslim.

Awa ang nararamdaman ng mga kabarangay sa bata at sa ina nito.

Isa si Laila Baharan sa mga umasikaso para matulungan ang ina ng bata.

"Ang higit na kailangan niya ngayon ay atensyon kasi alam naman natin 'yun na ang trauma bilang isang nanay na mawalan ng anak "ani Baharan.

Ang tribal leader nila na si Rony Sala, nanawagan din ng tulong pinansyal.

"Sa mga kapatid nating Muslim diyan na may ano na pusong ano sa kalooban nila tulungan natin po, nananawagan ako sainyo ang nanay nawalan ng anak, " ani Sala.

Ang mga pulis naman sa Station 14 ng Quezon City Police District, nagambagan ng pera para may maitulong sa ina ng bata.

Matapos ang ritwal sa Mosque, inilibing na ang bata.

Papakiusapan na lang ang pamunuan ng libingan na payagan na mailibing ang bata kahit wala pang pambayad.

Sa tradisyon ng mga Muslim, dapat sa loob ng 24 oras ay mailibing na ang kanilang labi.

Hindi na rin pumayag ang nanay ng bata na ipa-autopsy ito dahil labag ito sa tradisyon ng mga Muslim.

Samantala, naihain na ang kasong murder sa nag-aalaga sa bata.

Sa record ng PNP, Miyerkoles ng gabi ng dalhin sa ospital ang bata. May mga pasa ito sa ibat-ibang parte ng katawan.

Inamin naman ng nagbabantay dito na binalibag niya ito at tumama ang katawan sa pader kaya isinugod sa ospital.

Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang 36-anyos na suspek.