MAYNILA – Posibleng nakaranas umano ng depression ang isang katiwala sa Quezon City na umamin sa pagpatay sa isang paslit ng isang overseas Filipino worker.
Ayon kay Police Brig. Gen. Remus Medina, director ng Quezon City Police District nitong Biyernes, kanilang ipapasuri ang babaeng suspek sa mga eskperto para matukoy kung dumaranas siya ng tinatawag na postpartum depression.
May 8 buwang gulang kasi siyang anak kaya ang karumaldumal na pagpatay sa anak ng OFW ay hindi magagawa ng nasa normal na pag-iisip, ayon sa PNP.
Ipapasailaim din sa drug test ang suspek.
"We will be subjecting the suspect sa drug test and at the same time 'yung psychiatrist and expert kasi gusto natin malaman ang estado ng pagiisip ng babae kung bakit nagawa niya yung karumaldumal na krimen sa bata," ani Medina.
Puno ng pasa sa likod, braso, at hita ang biktimang 2-anyos na bata nang isugod ito sa New Era Hospital ng mismong suspek na si alyas Nora. Binalibag umano nito ang bata sa pader.
Napag-alaman ang nangyari nang mag-report ang ospital sa pulisya.
Nasa Saudi Arabia ang ina ng biktima at ipinagkatiwala kay Nora ang kaniyang mga anak habang nangingibang-bansa.
Hinihintay na lamang ng pulisya ang magiging desisyon ng nanay na OFW na bumabiyahe na pauwi ng Pilipinas mula sa Libya kung papayag itong ipasalalim sa awtopsiya, ayon sa hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD na si Police Lt. Col. Mark Julio Abong.
"We have yet to wait 'yung arrival ng ina. Apparently, we got words from the elders, spiritual leaders na pauwi na po ngayon 'yung ina. That's why hindi pa po namin siya mai-subject thoroughly sa through and through na forensic examination but may initial lang po kami," ani Abong.
Ayon sa PNP, maiku-konsiderang sarado na ang kaso matapos na aminin na rin ng suspek ang pagpatay sa bata.
Isinailalim na sa inquest proceedings si Nora at nakatakdang kasuhan.
Nilinaw ng PNP na iba pang makakasuhan, taliwas sa mga lumabas na impormasyon na pati ang 16-anyos na anak ng suspek at ang asawa nito ay kasabay din sa kakasuhan.
Nanawagan naman ang PNP sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak at huwag basta bastang ipagkatiwala sa ibang taon.
Maging sa komunidad, nanawagan din ang PNP na magreport agad kung may mga nakikitang pangaabuso sa mga bata.
Noong nakaraang taon lang nang iwan sa pangangalaga ng suspek ang bata ng ina nito na nagtrabaho sa Libya. Nasa probinsya kasi ang mga kamag-anak ng bata. Hindi rin malinaw pa sa PNP kung nasaan ang ama ng bata. – Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.