PatrolPH

4 timbog sa pagbebenta ng nakaw umanong motorsiklo online

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2022 02:24 PM

MAYNILA – Dinakip ng Quezon City Police District ang apat na lalaki na nagnakaw umano ng isang motorsiklo bago ibenta ito online.

Bandang hatinggabi noong April 18, Lunes, nakaparada umano ang motorsiko ng biktima na si alyas Steven sa Anakbayan Street, Barangay Paltok nang dumating ang mga suspek at tinangay ang motor.

Kinabukasan ng bandang alas 11:30 ng umaga, nagulat ang biktima nang madiskubreng ang kaniyang motorsiklo ay ibinebenta sa selling platform ng Facebook.

Nagkasa naman ng transaksyon ang mga operatiba at nahuli ang mga akusado sa kahabaan ng Litex Road sa Barangay Commonwealth.

Nahaharap sa kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Law ang apat na nahuli. – Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.