LGUs humiling ng mas mabilis na pamamahagi ng bagong batch ng bakuna

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2021 08:56 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Umaapela ang ilang lokal na pamahalaan na bilisan ang pamamahagi ng mga bagong dating na COVID-19 vaccine para maituloy na nila ang naantalang pagbabakuna sa mga residente. 

Isa sa mga nakaabang sa dagdag na vaccines ang lungsod ng Maynila matapos malamang dumating na noong Huwebes ang dagdag 500,000 doses ng Sinovac vaccine. 

Ayon sa Manila health department, isang linggo na silang walang natatanggap na bagong suplay mula sa national government.

"Hopefully marami po ang maibigay sa Manila, para makapag-start na ulit kami ng 1st dose ng mga category A1, A2 and A3," ani Dr. Arnold Pangan, Manila health department chief.

Paubos na rin ang COVID-19 vaccine supply ng Marikina City, na noong Huwebes ay nasa 1,000 doses na lang ang hawak.

Apela ng lokal na pamahalaan sa national government, bilisan ang pamamahagi ng mga bagong dating na bakuna.

"Hindi maaaring manatili ito sa mga warehouse o cold storage ng matagal sapagkat kailangang-kailangan na itong ibakuna," ani Mayor Marcelino Teodoro.

Patuloy namang nadadagdagan ang bilang ng mga nagpaparehistro sa lungsod para magpabakuna, sabi ni Teodoro.

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, makatatanggap ng tig-humigit kumulang 100,000 doses ang Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.

Ang natitirang 200,000 doses ay hahatiin sa iba pang rehiyon na mataas ang kaso ng COVID-19.

Aminado naman si Cabotaje na mabagal ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa bansa. 
    
Sa ngayon aniya, nasa 30,000 bakuna kada araw lang ang naibibigay na katiting lang ng target na 500,000 kada araw kung nais mabakunahan ang nasa 70 milyong Pilipino bago matapos ang taon.

—Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.