MAYNILA - Arestado ang isang lalaking namemeke umano ng RT-PCR test results sa isang entrapment operation sa Ninoy Aquino International Airport.
Kinilala ang suspek na si Glenn Marajo, na ilang beses hiningan ng P15,000 ang pasaherong si alyas "Nikki" para tulungan umanong makalipad papuntang Dubai.
Nakilala ni Nikki si Marajo sa loob ng NAIA nang ma-offload siya dahil bawal pang lumipat and mga tourist visa holder papuntang Dubai.
Ang pangako ni Marajo, hindi na dadaan si Nikki sa immigration area kapag nagbayad ito ng P15,000 at tutulungan din sa dokumento tulad ng RT-PCR sa halagang P1,230.
Rekisito ang negatibong RT-PCR test result para sa mga pasaherong aalis ng bansa ngayong may coronavirus disease (COVID-19) pandemic pa rin.
"Ma-expired na 'yung valididty ng RT-PCR ko; galing pang Roxas, nagsabi siya sa 'kin na magbayad lang kami ng P1,230 gagawa siya ng paraan. Di niya sinabi sa 'min na gagawa ng peke," ani Nikki.
Sa RT-PCR test results na inabot umano ay binago lang ang naka-print na petsa.
Pero hindi lang pala si Nikki ang nabiktima ni Marajo. Lumitaw na apat silang inalok ng pekeng dokumento.
Walo rin umano ang nagkaso ng illegal recruitment kontra sa suspek.
Paalala ng Airport Police Inspector na si Lt. Jesus Ducusin na mag-ingat ang mga pasahero.
"Itong inaksiyunan na kaso isa lang sa marami niyang activities na illegal recruitment; may trafficking pa at swindling. 'Wag maniwala sa mga manloloko at may kapalit na pera," ani Ducusin.
Nasa higit 138 naman ang naitala ng NAIA sa paliparan na naharang sa mga security checkpoint dahil sa pekeng RT-PCR test.
Karamihan umano ang nagsabing hindi nila tiningnan ang papel na positibo pala ang resulta.
Isinusulong naman ng mga airline ang paggamit ng "digital passport" application ng International Air Transport Association kung saan mismong mga laboratoryo ang mag-a-upload ng resulta ng test.
Malalaman din ang mga travel document na kailangan sa destinasyon. Ang Philippine Airlines ang mangunguna sa trial ng travel pass na isasagawa sa loob ng 3 buwan simula Mayo.
Gagamitin ito sa mga flight na Maynila, Los Angeles at Maynila hanggang Singapore.
"Naniniwala kami na this will lead to confidence in travel, once mag-ease ang travel requirements this will encourage passengers to book for flights and it is not intimidating anymore," ani PAL spokesperson Cielo Villaluna.
Ang napapatunayang namemeke ng public documents gaya ng swab test ay maaaring maharap sa mga multa na hanggang P50,000 o makulong ng isa hanggang 6 na buwan.
— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol, NAIA, Ninoy Aquino International Airport, entrapment, entrapment operation, illegal recruitment, fake RT-PCR test, digital passport, International Air Transport Association, PAL