Ipapamahagi na simula ngayong Huwebes, Abril 23, ang unified quarantine pass sa Taguig City na gagamitin ng isang miyembro ng bawat pamilya para makalabas ng bahay.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, ipamamahagi sa bawat barangay ang ipapalit na quarantine pass.
Ang naging sistema noong unang magpatupad ng enhanced community quarantine ay may kanya-kanyang isyu ng quarantine pass ang bawat barangay para sa kanilang mga nasasakupang residente.
Ngayon, ang city hall na ang mag-iisyu ng unified quarantine pass na ipamamahagi sa lahat ng barangay.
Dagdag ni Cayetano, mas sistematiko na sa ilalim ng bagong quarantine pass.
Paglilinaw ng alkalde, hangga't hindi pa nabibigyan ang lahat ng halos 300,000 pamilya sa lungsod ng unified quarantine pass ay mananatili muna yung inisyu ng barangay.
Mawawalan na ng bisa ang lumang quarantine pass kapag nakumpleto ang pamamahagi ng bagong pass.
Kasamang ipamamahagi sa bawat pamilya sa Taguig ang mga face mask at alcohol. -- Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog News, Taguig, unified quarantine pass, Luzon lockdown, enhanced community quarantine