SSS pinutakte ng reklamo dahil sa sirang website, na-delay na calamity loan

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 07:06 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sangkaterbang miyembro ng Social Security System (SSS) ang nagrereklamo dahil hindi nila ma-access ang website ng ahensiya para sana mag-apply ng ayuda sa gitna ng krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Isa si Jo Gonzales, manager ng isang courier company, sa nag-apply sa Small Business Wage Subsidy (SBWS) ng pamahalaan na nakalaan para sa mga empleyado ng maliliit na negosyo. Kaya lang, hindi naman nila makontak ang SSS.

"Sana medyo madaliin nila 'yung ayuda na ipinangako nila sa mga kompanya kasi ang mga empleyado nag-aantay din, siyempre wala silang pagkukunan, yun lang inaasahan nila," ani Gonzales.

Kawawa raw ang mga empleyado dahil kahit tinulungan nila, ubos na rin ang pera.

Hanggang ngayong Huwebes ng hapon, down pa rin ang website ng SSS kaya libo-libo o posibleng milyong miyembro ang naghihintay ng tulong o gustong mag-apply ng calamity loan.

Paliwanag ng SSS, mga employer lang muna ang puwedeng mag-access sa website para di ito mapuno.

Nagpadala na rin sila ng email sa 114,000 maliliit na negosyong kwalipikado sa SBWS.

Samantala, sangkaterbang miyembro naman ang gusto ring mag-apply ng calamity loan pero walang magawa dahil down ang website ng SSS.

Pero sabi ng SSS, hindi muna matutuloy sa Biyernes ang umpisa ng online calamity loan application.

"Nakikiusap po kami na maghintay lang tayo, unawain niyo muna ang sitwasyon... Isusunod po namin ang calamity loan, 'yung website natin po kasi nagkakaproblema sa dami ng gumagamit," ani SSS spokesperson Fernan Nicolas.

Wala pang katiyakan kung kailan aarangkada ang calamity loan pero nilinaw ng SSS na online pa rin ang aplikasyon at hindi papayagan ang pagtungo sa kanilang mga opisina. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.