Presyo ng galunggong lampas P200 sa ilang pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 06:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa higit P200 ang presyo ng kada kilo ng galunggong sa ilang pamilihan sa Metro Manila, na ayon sa mga nagtitinda ay dahil sa matumal na dating ng suplay.

Kamuning Market, nasa P240 na ang kada kilo ng galunggong, na aabot sa 15 hanggang 20 piraso ng isda depende sa laki.

Ayon sa tinderang si Annalyn Estacio, tumaas ang presyo dahil kaunti lang ang dating ng suplay ng produkto.

"Kaunti ang dating, walang ibang isda, siyempre hahapitin ko na ang presyo noon kasi pagkakataon ko na 'yon kumita," ani Estacio.

Pero bukod sa matumal na dating ng suplay, matumal din umano ang mga bumibili.

Sa Muñoz Market, umabot sa P160 hanggang P200 ang kada kilo ng galunggong, base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA).

Mas mataas ito sa suggested retail price (SRP) ng DA na P130 kada kilo ng galunggong.

Pagpapaliwanagin umano ng DA ang mga nagtitinda nang mas mataas sa SRP.

Hihikayatin din umano ng DA ang mga mangingisda na magbagsak nang deretso sa mga pamilihan sa Metro Manila sa tulong ng ahensiya.

Bukas pa rin ang pop-up market ng DA sa Quezon City para sa alternatibong mabibilhan ng mga produktong pang-agrikultura. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News