PatrolPH

PGH nanawagan ng plasma donations matapos bumuti ang kondisyon ng ilang COVID-19 patients

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 03:22 PM | Updated as of Apr 23 2020 05:34 PM

MAYNILA - Nananawagan ngayon ang Philippine General Hospital ng plasma donations mula sa mga nakarekober sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos umano nilang mapaulat na may mga pasyente silang bumuti ang kalagayan matapos sumailalim sa convalescent plasma therapy.

Nakatutulong umano ang plasma sa dugo ng mga gumaling sa COVID-19 para sa iba pang pasyenteng nasa kritikal ang lagay at hindi na halos nagre-respond sa anti-viral drugs.

Ginamit din ito sa iba pang sakit gaya ng severe acute respiratory syndrome (SARS), Middle East respiratory syndrome (MERS), at Ebola.

Ayon kay PGH spokesman Dr. Jonas Del Rosario, nasa mahigit 50 porsiyento ang success rate ng pagkarekober ng COVID-19 patients na sumasailalim dito. 

Sa kanilang datos, 4 ang bumuti ang kalagayan habang 2 dito ang namatay. 

Kasalukuyang binibigay ang nasabing treatment sa mga pasyenteng kritikal ang kalagayan at pinag-aaralan nila kung kailan ito ibibigay sa mga pasyenteng "moderate" ang kalagayan. 

"The moment that the institutional research board of UP Manila approves of the proposal, we will give it to those mild to moderate cases so ICU admissions will be prevented. Once it is approved thats gonna be the way to go for us now," ani Del Rosario.

Sa ngayon, nasa 90 inquiries na ang natatanggap ng ospital, may 60 na nagsabing may plano silang mag-donate pero 21 lang umano ang nakapasa. 

Dito, anim pa lang ang nakatatanggap ng plasma transfusion, ayon kay Del Rosario. 

Makatutulong ang kada plasma donor sa 1-2 recipients, depende sa protocol ng ospital.

Sa ngayon nililimitahan pa nila ang pagtanggap ng plasma donation sa mga tuluyan nang gumaling sa sakit, kaya kaunti pa lang aniya ang nagdo-donate. 

Sa huling datos ng Department of Health, 693 na ang gumaling sa sakit. 

May pangamba rin umano ang ilang donor sa mga nararanasang diskriminasyon ng mga coronavirus patients. 

"In fact some of our donors have specifically told us to down play it, not to out it out on social media and they want to be anonymous," dagdag ni Del Rosario. 

PAANO MAG-DONATE? 

Kung nais mag-donate ng plasma, hindi dapat lalagpas ng 60 anyos ang donor. Mas makabubuti rin aniya kung ang donor ay hindi pa nanganganak. 

“The donors who are in the senior population, they have co-morbidities which would eventually exclude them from donating like heart disease, diabetes, severe hypertension, etc. The younger they are the better," paliwanag ni Del Rosario. 

"Apparently you would develop antibodies when you give birth," dagdag niya. 

Libre ang singil sa plasma therapy sa PGH. Hindi naman aniya ito sakop ng PhilHealth dahil maituturing aniya itong "experimental treatment." 

Sa ngayon, wala pang intensiyon ang mga ospital sa Visayas at Mindanao na gawin ang nasabing treatment, ani Del Rosario. 

Dapat ding may isang negative PCR test ang pasyente, dapat din itong 2 linggo nang asymptomatic at fully recovered. 

Dapat ding may timbang ito na 50 kilogramo pataas at makakapagbigay ng informed consent. 

Maaaring makipag-ugnayan sa PGH sa numerong 155-200, o kaya tawagan si Dr. Sandy Maganto sa 09178053207.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.