Pantawid ng Pag-ibig: Tulong hatid sa barangay sa Tanay, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 08:30 PM | Updated as of Apr 25 2020 08:00 AM

Kasama ang Barangay Sta. Ines sa Tanay, Rizal sa mga natulungan ng “Pantawid ng Pag-ibig” campaign ng ABS-CBN kasama ang Samahan ng Nagkakaisang Pamilyang Pantawid (SNPP). ABS-CBN News

Anim na ilog at baku-bakong kalsada ang kailangang daanan bago makarating sa Barangay Sta. Ines sa Tanay, Rizal.

Sa mahigit 600 pamilyang nakatira rito, 70 pamilya ay parte ng Dumagat Tribe.

Labis na naapektuhan ang kanilang kabuhayan dahil hindi maibaba ang mga kalakal sa kabayanan, ayon sa ilang residente.

Si Michael Dela Cruz, bitbit ang isang galong pulot para ibenta at magkaroon ng pambili ng pagkain.

"Iyong aming pananarabaho, hindi kami makalabas kagaya nito, kung minsan may curfew,” ani Dela Cruz.

Apektado rin ang turismo ng barangay. Ang dinadayong Kinabuan Falls, walang katao-tao dahil sa enhanced community quarantine.

"Kasi ang iniiwasan natin dito ay iyon nga pong baka iyong mga sakit na iyan ay lumaganap talaga. Kaya mula po noong ilang linggong pong ito, ilang buwan siyempre ang lahat po ng hanapbuhay ay apektado talaga," ani Adrenico Subiaga, kapitan ng barangay.

Pagkakataon ito para matulungan sila ng “Pantawid ng Pag-ibig” campaign ng ABS-CBN kasama ang Samahan ng Nagkakaisang Pamilyang Pantawid (SNPP)

Si Lea Dela Cruz, kahit matindi ang takot sa coronavirus ay naglakad nang dalawang oras kahit paika-ika, bitbit ang 3 buwang gulang na anak para makakuha ng relief packs. Malaking bagay aniya ang mga ganitong kampanya para sa kaniya.

“Ay minsan nga po, kapag may dumarating na gaya ninyo, na mga taga-bayan, nagtatago na lamang kami sa hindi masasagian nila... Naisip namin ay baka iyan ay may dala ng COVID-19,” aniya.

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine.


Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Champion Detergent
  • Coca-Cola
  • Colgate Palmolive
  • Great Taste 3-in-1
  • Hana Shampoo
  • Kopiko
  • Ligo Sardines
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Rebisco
  • Safeguard
  • CDO Foodsphere
  • International Pharmaceuticals Incorporated
  • Lucky Me

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.