PatrolPH

Pamamaril sa dating sundalo sa QC checkpoint iimbestigahan ng Philippine Army

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 12:45 PM | Updated as of Apr 23 2020 08:34 PM

MAYNILA (UPDATE) - Iimbestigahan na ng Philippine Army ang pagpaslang sa dati nilang kasapi na binaril sa checkpoint sa Quezon City, ayon sa kanilang tagapagsalita. 

Ipinag-utos ni Philippine Army Commanding General Gilbert Gapay ang imbestigasyon para mabigyan ng hustisya ang biktima na si Cpl. Winston Ragos, ayon kay Philippine Army spokesperson Ramon Zagala. 

"Lt. Gen Gilbert I. Gapay, Commanding General, Philippine Army ordered an investigation to be conducted by the Army Judge Advocate in coordination with PNP in order that justice be given to the death of Ragos," ani Zagala. 

Sinabi ng Philippine Army na napagkalooban ng complete disability discharge si Ragos dahil sa kaniyang mental disorder. 

"In November 2017, Ragos was given a complete disability discharge from his military service, complete with pension and other assistance, after being diagnosed with a mental disorder. To a soldier, the wounds of war are not just physical but also mental and their scars are not always visible," ani Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng Philippine Army. 

Makikipagtulungan aniya sila sa Philippine National Police para gumulong ang imbestigasyon sa insidente. 

Maaalalang namatay si Ragos, isang retired na miyembro ng Phiilippine Army, nang mabaril ng pulisya sa Barangay Pasong Putik. Sinabi ng pulisya na pinagbantaan at sinigawan umano sila ni Ragos at tumangging umuwi; sinabi rin nilang nakakita sila ng baril sa bag nito 

Sa panayam sa ABS-CBN News channel, sinabi ni PNP Joint Task Force Corona Virus chief Lt. Gen. Guillermo Eleazar na tingin niyang "self-defense" at judgement call ng pulisya ang nangyaring pamamaril. 

“Kung titingnan natin ito, this is a—well we can say self-defense. Kung ang nangyari is hinayaan niyang makabunot ito at maputukan, for sure madidisgrasya itong ating pulis,” ani Eleazar. 

"It's very easy to criticize the police pero kayo ang lumagay sa posisyon namin. May pamilya rin tayo." 

Pero aniya, handa naman daw akuin ng pulisya ang kanilang pagpapatupad sa quarantine. 

"Haharapin natin kung magkakaso. Kung magkulong. Kami ang sasagot noon," ani Eleazar. 

Watch more on iWantTFC

'WALANG ARMAS' 

Pero giit ng kaniyang kaanak at ng kaibigan ng biktimang nakasaksi sa insidente, walang armas na hawak si Ragos nang mangyari ang pamamaril. 

Ayon kay alyas "Ella," kaibigan ng biktima, bag lang ang dala ni Ragos at hindi siya armado nang mangyari ang insidente. Taliwas ito sa naging pahayag ng pulisya na may dalang calibre .38 na baril ang biktima. 

Ilang beses na rin nakiusap ang mga nakasaksi na huwag barilin si Ragos. 
 
"Ang nasaksihan ko, nakatutok na 'yung baril (nung pulis) sa tao. Sinabihan namin na wag na iputok ang baril," ayon sa nakasaksi

Kinumpirma rin ng kapatid ni Ragos na si Janet Macahilig na may post-traumatic stress disorder si Ragos matapos ma-assign sa Marawi. 

Giit ni Macahilig, walang masamang ginawa ang kaniyang kapatid at kung mayroon man ay hindi dapat ito pinaputukan. 

"Nung makita ko 'yung CCTV, para akong binuhusan ng malamig na tubig. Nanlambot ako. Wala naman ako nakitang masamang ginawa ang kapatid ko. Kung may mali man siya, sana di ganun sinapit niya. Kung pinaputukan, sana sa paa na lang," aniya. 

Desidido ang pamilya ni Ragos na kasuhan ang mga pulis na sangkot sa pagpaslang dito. 

“Tuloy po ang laban sa katarungan. Kailangan po namin depensahan. Wala po talagang baril ang kapatid ko,” ayon kay Macahilig. 

Samantala, kinondena ng grupong Karapatan ang nangyaring pamamaril. 

Anila, patunay ito na naapektuhan ang karapatang pantao sa anila’y "militaristic" na pagtugon ng gobyerno sa paglaban sa coronavirus pandemic. 

“The fatal shooting of retired soldier Winston Ragos, who was reportedly suffering from schizophrenia and post-traumatic stress disorder, at Brgy. Pasong Putik, Quezon City on Tuesday afternoon, April 21, for supposedly “violating” quarantine measures is an alarming and deplorable act of State violence that should be strongly condemned,” anila sa pahayag. 

Para naman sa grupong UP Rises Against Tyranny at Dictatorship (UPRISE), mas dapat tugunan ng pansin ng gobyerno ang banta ng virus kaysa ang paggamit ng dahas sa mga kinasasakupan. 

“Nobody deserves to be at the other end of a gun or be shot, for the sake of upholding protocol. Our enemy is the threat of the virus, not fellow people,” anila. 

Nagpaalala ang Commission on Human Rights sa Philippine National Police na galangin ang karapatang pantao sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine. 

Giit naman ng Malacanang na wala itong kinalaman sa unang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring barilin ang mga lalabag sa quarantine protocols. 

"Wala pong relasyon ito sa kahit anong sinabi ng Presidente. At hindi po sinabi ng pulis na siya po ay pinapatupad ang isang order ng Presidente," ani Presidential Spokesperson Harry Roque. -- Ulat nina Zhander Cayabyab at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.