PatrolPH

Pagbabawal sa seniors na mag-tanod sa checkpoints imumungkahi

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 03:45 PM

Balak ipagbawal ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagtatalaga ng matatandang barangay tanod sa mga checkpoint, lalo at mas madaling mahawahan ang mga ito ng coronavirus disease (COVID-19).

Dapat magtalaga ng mga mas batang tanod ang mga chairperson ng mga barangay, sabi ngayong Huwebes ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya.

"Tayo ay magmumungkahi kay [Interior] Secretary Eduardo Año na magpalabas ng advisory sa ating mga barangay na pinagbabawalan 'yong deployment ng mga senior citizen na barangay tanod sa mga checkpoint," ani Malaya.

"Kasi nga ito ay puwedeng magdulot ng sakit sa kanila because they are exposed," dagdag niya.

Kasama rin sa imumungkahi umano ni Malaya ang pagbibigay ng sapat na oras sa mga tanod na makapagpahinga lalo't hindi naman sila maituturing na regular na kawani ng gobyerno.

Kabilang ang senior citizens sa mga vulnerable o madaling tamaan ng COVID-19. Sa kabila nito, may ilan pa ring seniors na pinipiling mag-tanod sa kanilang mga komunidad.

Nauna na ring ipinanawagan ng public health expert na si Susan Mercado na dapat lalong alagaan ang senior citizens habang hindi pa nawawala ang banta ng COVID-19, kabilang ang matatandang tanod at health worker sa mga barangay. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.