Paaralan sa Sampaloc na gagamiting COVID-19 test center inihahanda na

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 01:37 PM | Updated as of Apr 23 2020 01:39 PM

Gagawing testing center para sa coronavirus disease ang Gen. Licerio Geronimo Elementary School sa Sampaloc, Maynila. Ang naturang distrito ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng sakit sa buong lungsod. Retrato mula sa Manila Public Information Office

Inihahanda na ng mga awtoridad ang isang eskuwelahan sa distrito ng Sampaloc sa Maynila, para gamiting testing facility para sa coronavirus disease (COVID-19).

Ininspeksiyon ngayong Huwebes ni Paz Corales ng Department of Health-National Capital Region ang Gen. Licerio Geronimo Elementary School sa Sampaloc.

Inalam din ni Corales ang mga paghahanda na ginagawa ng mga tauhan ng Ospital ng Sampaloc para sa testing na isasagawa sa paaralan simula Biyernes hanggang Sabado.

Kasama rin sa inspeksiyon si Ospital ng Sampaloc Director Aileen Lacsamana at ilang opisyal ng Department of Education.

Hindi bababa sa 1,000 rapid test kits ang gagamitin para sa mga piling indibiduwal, na pawang mga residente ng Sampaloc, ayon sa Manila Public Information Office (PIO).

Naka-hard lockdown simula gabi ng Huwebes hanggang gabi ng Sabado ang Sampaloc, na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa Maynila.

Ayon kay Lacsamana, gagamitin ang 5 classroom ng paaralan bilang testing room.

Magkakaroon din umano ng temporary holding area para sa mga taong magpopositibo ang resulta ng test, at papayuhang sumailalim sa swab testing at mandatory quarantine.

Napili ang naturang paaralan dahil malapit ito sa Ospital ng Sampaloc.

Sa huling tala, nasa 108 ang nagpopositibo sa COVID-19 sa Sampaloc.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.