Mga preso sa Cebu, nag-ingay nang malaman ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa kulungan

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 07:47 PM

CEBU CITY - Nag-ingay ang ilang preso ng Cebu City Jail Male Dormitory nitong Miyerkoles sa gitna ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa naturang bilangguan.

Nang malaman ng mga inmate na umabot na sa mahigit 100 ang nagpositibo sa sakit na mga kasama nila at personnel sa Cebu City Jail, biglang nag-ingay ang mga inmates dahil sa takot na mahawa sa sakit.

Sa video na kuha ni Isa Suertes, rinig na rinig ang mga preso na sumisigaw para kumuha ng atensyon sa gitna ng krisis sa bilangguan ng lungsod.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa focal person ng Bureau of Jail Management and Penology COVID-19 Task Force na si Jail Senior Insp. Jay Ylanan, nabigla ang mga inmate at hindi nasabihan ng tamang detalye kaya nag-ingay.

Aniya, nasabihan na nila ang mga inmate sa dapat gagawin at manatiling kalmado dahil naka-quarantine sa bagong building ng Cebu City Jail ang mga nagpositibo at ang mga posibleng may COVID-19.

Umabot sa 129 ang nagpositibo sa COVID-19 sa city jail, na kinabibilangan ng 116 na preso at 13 na jail personnel. May dalawang inmate na COVID-19 positive ang nasa isang ospital sa lungsod.

Ayon sa BJMP Central Visayas, close monitoring sa mga COVID-19 positive ang kanilang ginagawa. May nurse sila na palaging nakatutok sa health condition ng mga inmate at personnel.

Patuloy na magsasagawa ng contact tracing ang BJMP at isasa-ilalim sila sa swab test.

Ang Cebu City Jail Male Dormitory ay may 6,588 na mga inmates.

May ilang panawagan na na palayain muna ang mga may sakit at matatandang preso dahil sa panganib na mahawa sa sakit sa mga masisikip na kulungan sa bansa.