Mahigit 50 construction workers na stranded sa Laoag City, umapela ng ayuda para sa kanilang pamilya

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 09:15 PM

LAOAG CITY - Na-stranded ang 53 na construction workers sa Laoag City, Ilocos Norte dahil sa enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Galing ang mga ito sa Quezon province, Samar, Leyte, Iloilo, at Bicol. Nasa Laoag City ang mga ito para sa itinatayong mall.

Dahil sa krisis, pansamantalang nahinto ang kanilang trabaho. Tanging food allowance ang ibinibihay ng kanilang amo.

“Tungkol naman sa aming kumpanya ay patuloy silang nag-aayuda sa amin. Nagbibigay sila ng pinansyal para sa aming pagkain. Every 3 or 4 days, P4,000 ang binibigay ng aming kumpanya," sabi ng mangagawang si Rosalio Escoña.

Umaasa at nagpapasalamat din ang mga ito sa mga relief goods na ibininibigay ng barangay.

May ilang residente rin ang nagbibigay pagkain sa kanila.

Pero problemado ang mga ito dahil wala silang maipadalang pera sa kani-kanilang pamilya.

"Sa ganitong kalagayan namin na walang trabaho, no work, no pay, ang aming pamilya ay nagugutom sa aming kani-kaniyang probinsya. Wala po kaming ibang malapitan," ani Escoña.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nahinto ang pamimigay nila ng cash assistance sa mga manggagawang nawalan ng trabaho sa panahon ng COVID-19. 

Kaya hiling nito sa mga kompanya o may hawak sa mga manggagawang apektado na sila ay tulungan.

"Actually, meron sana, kung hindi sana kami pinahinto ng central office. Mayroong advisory na, as of April 15, mag-i-stop kami ng evaluation ng processing ng new application for the COVID-19 adjustment measure program of the Department of Labor and Employment, amounting to P5,000," ani Susan Maynes, OIC Field Officer ng DOLE Ilocos Norte.

"But for now, ang pwede naming maitulong ay puwedeng makuha ‘yung pangalan, ‘yung general contractor nila, para i-encourage naman sila na mag-provide sila ng financial assistance for the workers," dagdag niya.

Payo ng DOLE, sabihan ng mga manggagawa ang kanilang pamilya na lumapit sa iba pang ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Social Welfare and Development, para kahit papaano’y mabigyan sila ng ayuda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.