Mahigit 300 motorista tiniketan ng HPG dahil sa hindi awtorisadong pagbiyahe sa EDSA

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 05:07 AM

Sa limang araw na pagsasagawa ng PNP Highway Patrol Group ng checkpoint sa EDSA mula Linggo, mahigit 300 nang mga motorista ang hinuli at tiniketan ng mga pulis dahil sa hindi awtorisadong pagbiyahe ngayong enhanced community quarantine. 

Ayon kay PNP HPG director Brig. Gen. Eliseo Cruz, karamihan sa mga nasita ay hindi frontliner at bumiyahe sa labas ng kanilang tinitirhang lungsod.

Noong Martes, 65 motorista ang sinita sa buong araw. 

Ginawa na ring 24 hours ang checkpoint sa EDSA para mabantayan maging ang mga bumabiyahe sa oras ng curfew. 

Sa mga nakaraang araw, tinitiketan lang at kinukumpiska ang lisensya ng mga lumabag. 

Pero sabi ni Cruz, posibleng maaresto na ang mga susunod na lalabag kasunod ng utos ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa na hindi na bibigyan ng warning ang mga quarantine violator. 

Sa ngayon, nakapwesto ang magkabilang checkpoint sa may EDSA Crossing o yung kanto ng Shaw Boulevard sa Mandaluyong City matapos isagawa noong nakaraan sa may Santolan. 

Ayon kay Cruz, makakatulong sa pagpapaluwag ng traffic ang pwestong ito dahil sa underpass ng EDSA. 

Sa underpass pinadadaan ang mga emergency vehicles, sasakyan ng mga frontliner gaya ng medical workers at pulisya, at mga may dala ng cargo para hindi mahinto ang biyahe. 

Sa ibabaw na lane naman padadaanan ang mga pampribadong sasakyan na sasailalim sa inspeksyon. 

Ayon kay Cruz, ililipat din sa ibang araw ang checkpoint sa mga bahagi ng EDSA sa Makati at Cubao sa Quezon City para mabantayan din ang mga motorista roon. 

Kasabay ng magdamagang checkpoint sa EDSA, patuloy din ang pasulpot-sulpot na checkpoint ng HPG sa iba pang highway sa Metro Manila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.