Ilang nakatanggap ng cash aid ginamit ang pera para sa negosyo

Adrian Ayalin at Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 02:59 PM | Updated as of Apr 23 2020 07:15 PM

Watch more in iWantTFC

Matapos matanggap ang tulong pinansiyal mula sa social amelioration program, dumeretso sa pamilihan ang 24 anyos na si Joverly Arellano para mamili ng karne, noodles at iba pang sangkap.

Pero hindi lang para sa kaniyang pamilya ang pinamili kundi para na rin sa maliit niyang negosyo sa San Mateo, Rizal.

Napilitang magsara ang computer shop ni Arellano mula nang isailalim sa lockdown noong Marso ang buong Luzon dahil sa coronavirus disease (COVID-19), kaya nagsimula siyang magluto para magkaroon ng mapagkakakitaan.

"Mas maigi ngayon may kinikita ka. Sarado ngayon 'yong computer shop, mag-2 months nang sarado, walang kinikita. Tapos 'yong asawa ko wala namang pinapadala," ani Arellano.

Na-stranded ang mister ni Arellano sa Pampanga, na nagtatrabaho bilang construction worker.

Sa P6,500 natanggap mula sa social amelioration program, P3,000 dito ay inilalaan ni Arellano sa maliit na negosyo habang ang P3,500 ay para sa pangangailangan ng 2 niyang anak.

Sa 10,000 benepisyaryo ng social amelioration program sa San Mateo, Rizal, nasa 4,000 pa lamang ang nakatatanggap ng tulong pinansiyal, kasama si Arellano.

Ayon kay San Mateo Mayor Tina Diaz, bagaman nagpapasalamat sila sa tulong mula sa national government, kulang pa rin ang kanilang pondo para makapamahagi ng ayuda.

"Umaasa po kami na sana madagdagan ang ating mga benepisyaryo, 'yong bilang ng beneficiaries," ani Diaz.

Isa sa mga hindi pa nakatatanggap ng tulong ang 75 anyos na si Virginia Villanueva, isang mananahi na tumatanggap pa rin ng alteration sa mga kapitbahay.

Nagtatahi rin si Villanueva ng face masks para sa isang non-governmental organization. Ang grupo umano ang nagbibigay sa kaniya ng materyales at nababayaran siya ng P8 kada piraso.

"Mahirap talaga itong gawin at saka maliit lang ang bayad pero nagtitiyaga na lang," ani Villanueva.

Sa Antipolo City, ilan sa mga nabigyan ng tulong sa social amelioration program ngayong Huwebes ang mga nawalan ng kabuhayan dahil sa lockdown, senior citizen na walang pensiyon, at tricycle drivers.

Ilan sa mga naunang mabigyan ng P6,500 tulong pinansiyal ang mga taga-Barangay Beverly Hills, na may 700 kabahayan pero 117 lang ang nabigyan.

"Napakahirap sa amin na ipaliwanag sa tao na ang ayuda ay napakaliit para sa barangay," sabi ni Barangay Chairman Danilo Arcilla.

"Mga nararapat lamang. Mga nawalan ng trabaho na 'no work, no pay,' mga senior citizen na walang pension at tricycle driver," dagdag ni Arcilla.

Isa sa mga nakatanggap ng tulong ang 25 anyos na pest controller na si Michael Canon.

"Sobrang hirap dahil walang makuhanan ng pang-araw-araw," ani Canon, na may 3 anak.

Natigil din sa pagtatrabaho ang 73 anyos na karpintero na si Rolando Sacristia.

Gagamitin umano niya ang natanggap na ayuda para makabili ng maintenance medicine.

May isa ring stroke patient na nakatanggap ng ayuda, na sinundo ng barangay mula sa kaniyang bahay papunta sa covered court para makuha ang pera.

May 155,000 kabahayan sa Antipolo City pero 89,000 social amelioration program form lang ang naipamigay ng Department of Social Welfare and Development sa lungsod.

Ayon kay Enrilito Bernardo Jr., local disaster risk reduction and management officer, gagawa na lang ng sariling programa ang lokal na pamahalaan sa mga hindi nakatanggap ng cash aid.

"Ang plano pipiliin ang poorest of the poor na di nakapasok sa binigay ng DSWD," paliwanag ni Bernardo.

Sa Abril 30 nakatakdang matapos ang Luzon lockdown pero pagpapasyahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Huwebes kung palalawigin pa ito, aalisin na, o luluwagan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.