Ginang ipinahuli ang partner na kinupit ang cash aid; suspek timbog sa inuman

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 04:56 PM

Ayon sa ginang, ninakaw ng kaniyang kinakasama ang P6,500 ayuda. Retrato mula sa San Jose City police

Kabi-kabilang paglabag sa enhanced community quarantine ang naitala ng pulisya sa lalawigan ng Nueva Ecija noong Miyerkoles.

Sa San Jose City, ipinahuli ng isang ginang ang kaniyang 47-anyos na live-in partner matapos daw kupitin ang natanggap niyang cash aid sa ilalim ng social amelioration program.

Ang cash aid ay inilaan ng pamahalaan para sa mga mahihirap na pamilyang sapul ng krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa ginang, ninakaw ng kaniyang kinakasama ang P6,500 ayuda.

Natunton ang suspek na nakikipag-inuman sa Barangay Calaocan.

Ang masaklap, P3,000 na lang ang narekober na halaga sa lalaki.

Kakasuhan siya ng paglabag sa liquor ban. Binigyan din ng warning ang tindahang binilhan niya ng alak.

Sa Bongabon naman, 16 ang hinuli matapos maaktuhang nagsusugal at nag-iinuman sa kabila ng lockdown sa buong Luzon.

Kaya dinampot sila ng mga pulis dahil sa illegal gambling at paglabag sa liquor ban.
 
Sasailaim din ang 16 sa seminar tungkol sa kung papaano kumakalat ang COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.