'Di makaihi, di makakain': Ilang frontliners nagsusuot ng diaper para tipid sa PPE

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 04:49 PM | Updated as of Apr 27 2020 01:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi biro ang hirap na dinaranas ng mga doktor at nars tuwing susuutin ang kanilang personal protective equipment (PPE) bilang proteksyon kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa intensive care unit ng COVID-19 ward ng Philippine General Hospital (PGH) nakatalaga ang nars na si Deza Rubite.

"Nasa critical care talaga kami, lahat ng mga pasyente namin ay intubated, lahat ng nakatubo, critical talaga sila," kuwento ni Rubute. 

Bago mag-duty, kailangan niyang ihanda ang sarili sa 8 oras na walang hubaran ng PPE.

"Gabi pa lang, inom na ko nang inom, before pumunta doon kumakain," aniya.

Pero kahit may 2 set ng PPE para sa kaniya, hindi na rin naiisip ni Rubute na magpalit pa kaya nagda-diaper na lang siya. Kung magbabanyo kasi ay kakailangangin pang hubarin ang protective suit, at kung gagawin ito ay may risk na ma-expose pa rin sa virus.

Hindi rin niya kayang iwan ang mga pasyente niya kahit sandali.

"Ang hirap maghubad ng PPE, kung iihi ka, parang andun ang risk na puwede ka ma-expose... Minsan stable, minsan hindi ang mga patients, parang hirap ding iwanan para lang lumabas at umihi," aniya.

Mabusisi kasi ang pagsusuot at paghuhubad ng PPE, ayon kay Dr. Jonnel Poblete, lalo’t isang oras din ang gugugulin sa paghubad at pagsuot nito.

"Iyung feeling na parang nababalot ka ng plastic for the entire 8 hours tapos hindi ka makahinga... Nakaka-trauma para sa kahit sinong tao," ani Poblete. 

Nanghihinayang naman si Dr. Jai Cabajar, internal medicine resident sa COVID-19 ward ng PGH, na magpalit pa ng PPE. 

"Iniisip ko kung magtatanggal ako ng PPE, magsusuot ako ng bago, kabawasan pa 'yon para sa ibang tao. 'Yung ibang hospital nga nagkakaubusan na ng PPE, but kami madami naman na donors, pero ayoko na lang sayangin," aniya. 

Ibinahagi din ni Cabajar ang ritwal niya bago magsuot ng PPE. 

"Gigising ako ng umaga ng 5 a.m. at hindi na ako iinom, kasi alam ko na hanggang 2 p.m. hindi ako iihi, so iihiin ko nalang lahat, bago ako magsuot ng PPE and then titiisin ko na lang... [H]indi pagkain, kasi tuloy-tuloy 'yon, hindi ka naman makakain, hindi ka naman makakainom."

KALIDAD NG PPE

Sa PPE nakasalalay ang kaligtasan ng mga doktor at nurse kaya binubusisi rin ng PGH ang mga nabili man o donasyong PPE. 

Mayroong hindi pumapasa sa kanilang rapid assessment test.

"Minsan masyadong manipis, kapag nabasa, tumatagos ang tubig, hindi siya magandang barrier o protection so hindi lahat ng nado-donate nagagamit namin especially sa COVID ward," ani Dr. Ronnie Baticulon, PGH neurosurgeon at parte ng PPE monitoring team.

"Tulad sa manufactured gowns and coveralls, ideal talaga, minimal ang tahi, minimal ang dugtong, pag may pressure pwedeng lumusot ang mga fluids," dagdag ng doktor. 

Dumadaan muna sa infection and control unit ng ospital ang mga PPEs at kung pumasa sa rapid test assessment ay saka pa lang ito ipagagamit.

"Nire-reinforce nila ng tape para hindi bumukas ang zipper... Wala kaming luxury na kung ano ang size na gusto mo, kung ano lang ang makukuha namin," ani Baticulon.

Kahit sa face shields, iba-iba rin ang sukat ng mga donasyon na nakakarating sa kanila.

"Ang face shields, kailangan nakatakip dito pero ang mukha ng tao, iba-iba rin kase ng size, 'yung ulo ng tao. Again 'yung mga face shields na ginagamit namin ay kung ano rin lang ang dumating," ani Baticulon.

Ayon sa PGH, nagre-recycle na rin sila ng goggles bilang paghahanda na rin para hindi kulangin ng suplay.

"Hindi natin alam kung gaano pa talaga katagal ito, araw-araw tinatantiya namin kung kinakailangan na ba nating mag-recycle, bagama't minsan kahit mayroong pangpondo pambili ng PPE, wala namang supplier, kung walang mapagkukunan. At least marami nang nagma-manufacture," sabi ni Baticulon.

Araw-araw, may 700 set ng PPE ang nagagamit ng PGH bilang COVID-19 referral hospital.

Tumatanggap na din ang PGH ngayon ng donasyong adult diaper.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.