COVID-19 testing para sa frontliners umarangkada sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 04:32 PM

Sinimulan na ngayong Huwebes sa Makati ang pag-test sa frontliners para sa coronavirus disease. Larawan mula sa Facebook page ng Makati City Government

MAYNILA - Umarangkada ngayong Huwebes ang coronavirus disease (COVID-19) testing para sa frontliners ng Makati City, sabi ng lokal na pamahalaan.

Nasa 110 frontliners mula Ospital ng Makati, Rizal Health Center at Pembo Health Center ang dadaan sa testing para matukoy, maibukod, at magamot ang mga magpopositibo sa respiratory disease.

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, mahalagang mapa-test ang healh workers para matiyak ang kanilang kaligtasan at kalusugan, lalo at sila ang direktang nakakasalamuha ng mga pasyente ng COVID-19.

Bukod sa frontliners, susuriin din para sa COVID-19 ang mga residenteng itinuturing na suspect case at may exposure sa virus.

Ang mga makukuhang sample sa mga taga-Makati ay ipadadala sa Philippine Red Cross National Headquarters sa Mandaluyong para masuri at inaasahang makukuha ang resulta matapos ang 2 araw.

Samantala, binuksan din ngayong Huwebes ang 3 temporary emergency quarantine facilities sa Pembo Elementary School at isa sa parking area ng Ospital ng Makati, sabi ng lokal na pamahalaan.

Sa mga naturang pasilidad umano ilalagay ang mga suspect cases ng COVID-19.

Ang bawat pasilidad ay may 15 na kama, sanitation at disinfection areas, isang testing box at nurses' lounge.

Magtatayo rin umano ang lungsod ng negative isolation tents sa may Ospital ng Makati kung saan ilalagay ang iba pang mga pasyente para hindi mahawa sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.