Condo sa QC may 'mobile palengke' para sa mga residente

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 03:47 PM

Raya Capulong, ABS-CBN News

MAYNILA - Naghanap ng paraan ang pamunuan ng isang condominium sa Barangay South Triangle sa QC para hindi mahirapang mamalengke ang kanilang mga residente ngayong ipinapatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon. 

Nakipag-ugnayan ang pamunuan ng El Jardin Del Presidente 2 condominium sa mga supplier ng gulay na maaaring magbigay ng suplay ng bilihin sa itinayo nilang mobile palengke, ayon sa admin head nitong si Alvin Castaneda. 

Aniya, sa ganitong paraan maiiwasan na lumabas pa ng gusali ang mga residente. 

Para tiyaking nasusunod ang physical distancing, 5 residente lang ang pinapayagang pumila at kada batch kada floor ang pamimili. May nagbabantay ring guwardiya para masundan ito. 

Naglatag din sila ng mga upuang may 1 metro ang pagitan. 

Ikinatuwa ng mga residenteng nakatira sa gusali ang mobile palengke. 

Laking tulong anila ito at napawi ang kanilang pangamba na lumabas pa para lang mamili ng pagkain ngayong may banta sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 


 -- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News