Chinese arestado sa pagbebenta ng umano'y gamot para sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 06:55 PM | Updated as of Apr 23 2020 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng National Bureau of Investigation ang isang Chinese national sa Binondo, Maynila dahil sa pagbebenta ng mga umano ay gamot para sa coronavirus disease (COVID-19).

Nasa 34 na kahon ng mga gamot na nagkakahalagang P3 milyon ang nabawi ng mga tauhan ng NBI Anti-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-AOTCD) sa suspek na si Jianchuan Shi.

Tumanggi ang suspek na ipaliwanag kung saan niya nakuha ang mga gamot.

Pero base sa pakikipag-chat ng suspek, gamot sa mga nagpopositibo sa COVID-19 galing China ang kaniyang nilalako, ayon kay NBI-AOTCD chief Joel Tovera.

Sa mga sticker na nakuha sa kahon, lumabas na inilipad at dumaan sa airport ang sinasabing gamot.

Ayon kay Tovera, iimbestigahan na nila ang mga port para malaman kung paano nakapasok ang mga gamot.

Nagbabala si Tovera na maaaring makasama sa kalusugan ang mga pinapalabas na gamot.

Ipinayo ni Tovera na na huwag agad maniwala sa mga gamot na inilalako online, lalo at laganap ang mga modus ngayong may krisis.

Kulong ang suspek sa paglabag sa Food and Drug Administration Law at Bayanihan Act. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.