Barangay Poblacion sa Muntinlupa City isinailalim sa lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 07:12 PM | Updated as of Apr 23 2020 07:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinailalim sa lockdown ang Barangay Poblacion sa Muntinlpa City matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 ang 11 residente roon. 

Kahit may quarantine pass, bawal ang lumabas maliban sa mga itinuturing na exempted sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine. 

Ipinagbabawal ding pumasok sa barangay ang mga hindi taga-rito. 

Ayon kay Kagawad George Arciaga, isang health officer umano ang nagpositive sa virus at umuwi sa bahay, kung saan nahawahan ang isang kaanak. 

“Hindi na namin pinalabas ang mga pamilya...dinadalhan na namin sila ng mga pagkain at gamot kasi hindi na pwedeng lumabas,” ani Arciaga.

Sa ilalim ng lockdown, nagbaba ng schedule kung kailan lang puwedeng lumabas ng bahay ang mga residente. 

Alas-6 ng umaga hanggang alas-12 lang ng tanghali puwedeng lumabas ang mga residente. Pagkatapos noon, wala nang maaaring lumabas at pumasok. 

Sumailalim na sa swabbing ang mga pamilya ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa lugar. 

Ang mga lumalabag sa lockdown, pinagpapanatili sa barangay nang 6 oras. 

Tulong apela ng pamilya sa Paranaque

Umaapela ngayon ng tulong ang isang pamilya na hindi umano naayudahan sa BF Homes sa Paranaque. 

Ayon sa caretaker ng bahay na si Emma Beriño, namatay na ang may-ari ng bahay pero pinatira sila roon ng mga kamag-anak.

Halos 20 silang nagsisiksikan sa bahay at wala silang tubig at kuryente. 

Dahil naputulan na, baterya lang ng sasakyan ang pinagkukuhanan nila ng kuryente. 

Wala rin silang kalan, at kahoy lang din ang gamit nila sa pagluluto, at kahoy lang ang gamit nila sa pagluluto. 

“Bigas po… Yun lang po ang hinihiling ko. Yung mga apo namin nangangailangan ng gatas tapos ‘yung mga malunggay namin paubos na,” ani Berino, na mangiyak-iyak. 

“Naawa ako sa mga apo ko dahil wala ng gatas. Kaya kape na lng ang pinaiinom ko,” dagdag niya. 

Ayon pa kay Beriño, 3 araw na silang pabalik-balik sa barangay para manghingi ng tulong pero hindi pa umano sila nabibigyan ng ayuda. 

Napakahirap aniya ng kanilang siwasyon na walang katiyakan kung paano niya maitatawid ang pangangailangan ng kaniyang pamilya araw-araw. — Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.