BAUAN, Batangas — Kung may mga frontliners, sa bayan na ito ay may mga tinaguriang "bakliners" o mga miyembro ng LGBTQ community na nagseserbisyo sa gitna ng krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pawang mga miyembro ng LGBTQ community ang nagmamando sa mobile palengke ng lugar, bitbit ang mga paninda gaya ng gulay, prutas, at isda.
"Kung may frontliners, kami yung bakliners para tumulong sa mamamayan," ani Yeisha Argamosa.
Kuwento ng volunteers, layon ng kanilang grupo na maipakita na kahit sa panahon ng krisis ay handa silang maglingkod sa bayan.
"Sobrang dami dating nangungutya sa amin na 'mga bakla lang yan, mga walang pakinabang' [pero] ngayon sobrang sarap sa pakiramdam namin na tulungan kayo at hindi niyo na kami kutsain para maipagmalaki na kami sa Bauan," ani Argamosa.
"Napatunayan namin na hindi basta-basta ang LGBT ng Bauan, kami ay nagkakaisa tumutulong talaga... Nakakaranas kami ng pangungutya pero deadma lamang as long maganda ang ginagawa namin," sabi naman ni Rhey Merelinio, isa pang "bakliner" sa mobile palengke.
Kaya labis ang pasasalamat sa kanila ng mga residente dahil hindi inaalintana ng mga LGBTQ members ang panganib para lamang matiyak na may mabibili silang pagkain sa panahon ng kagipitan.
Nangako ang mga bakliners na araw-araw nilang susuyurin ang malalayong barangay para maihatid ang mobile palengke at matiyak na may mabibiling pagkain ang kanilang mga kababayan ngayong may krisis sa COVID-19.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.