PatrolPH

15 arestado sa ilegal na pangingisda sa Negros Occidental

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2020 05:11 AM

Aabot sa 15 suspek ang inaresto ng Philippine Coast Guard dahil sa ilegal na pangingisda sa Tanon Strait na isang marine protected area sa bayan ng Calatrava, Barangay Lemery, Negros Occidental nitong Martes.

Ayon kay Commander Jansen Benjamin ng Philippine Coast Guard – Negros Occidental, alas-5 ng madaling araw nang magsagawa sila ng seaborne patrol sa baybaying sakop ng barangay. 

Namataan nila ang isang fishing boat na nangingisda sa marine protected area.

Ang Tañon Strait ang pinakamahabang strait sa Pilipinas at ito ang naghihiwalay ng isla ng Negros at Cebu.

Bukod na pangingisda sa marine protected area, ipinagbabawal din ang ginamit na fish net ng suspek.

Ayon kay Benjamin, nakukuha pati mga fingerlings sa ginamit na fish net.

Ang mga naaresto ay haharap ng kasong paglabag sa Philippine Fisheries Code of 1998.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.