Paalala ng Phivolcs: Kumakalat na post tungkol sa 'lindol sa Maynila', hindi totoo

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 12:34 AM

MAYNILA - Nagbabala ang Phivolcs sa publiko na huwag maniwala sa kumakalat na balita tungkol sa umano'y malakas na lindol na tatama sa Metro Manila.

Sa isang post sa Facebook, sinabi ng ahensya na walang basehan ang nasabing balita at hindi rin nanggaling sa Phivolcs ang babala tungkol sa lindol.

Ayon umano sa isang post, may mararanasang magnitude 7.1 na lindol sa Metro Manila.

Paalala ng Phivolcs na wala pang teknolohiya sa buong mundo na maaring magsabi kung kailan tatama ang isang malakas na lindol.

Patuloy naman ang pagmamatyag ng Phivolcs sa mga lugar na pinagmumulan ng lindol.

Hinihikayat rin ng ahensiya ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng nasabing maling impormasyon sa text at internet.

 

Niyanig ng magnitude 6.1 lindol nitong hapon ng Lunes ang Metro Manila at mga kalapit na probinsiya, na itinuturong dahilan ng pagkasawi ng 2 tao sa Pampanga, ayon sa gobernador ng probinsiya.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang sentro ng lindol sa Castillejos, Zambales bandang alas-5:11 ng hapon.

Sanhi ng lindol ang paggalaw ng mga bitak sa plates sa ilalim ng lupa.