PatrolPH

P340K halaga ng ‘shabu’ isinilid sa diaper

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 06:20 PM

P340K halaga ng ‘shabu’ isinilid sa diaper 1
Isinilid pa sa isang disposable diaper ang tinatayang P340,000 halaga ng hinihinalang shabu sa Dagupan City, Pangasinan. Joanna Tacason, ABS-CBN News

DAGUPAN CITY - Arestado ang isang 26 anyos na babae matapos masamsam sa kaniya ang P340,000 halaga ng hinihinalang shabu na nakasilid sa isang disposable diaper sa Barangay Pantal, Martes ng umaga.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, isa si alyas Aina, residente ng Dasmariñas, Cavite, sa mga big-time supplier ng ilegal na droga sa lungsod. 

Nakikipagkita umano sa mga parokyano ang suspek na siya mismong nagde-deliver ng droga.

Napag-alamang galing umano sa Dasmariñas, Cavite ang suplay ng ilegal na droga na nakuha sa kaniya.

Mismong ang informant ng PDEA ang nagpanggap na buyer at nakipag-transkasyon sa suspek at nakabili sila ng abot sa 50 gramo ng shabu na nakatago sa isang pirasong diaper.

Nagkakahalaga ng P340,000 ang nabiling illegal na droga sa suspek.

Ayon naman kay Aina, napag-utusan lang daw siya ng kumare nito sa Cavite na i-deliver ang ilegal na droga sa buyer.

"Napag-utusan lang ako para may pang-birthday iyong anak ko ngayon, hindi ko naman alam na ganyan pala,” paliwanag niya.

Nabatid din ng PDEA na may ilang kaanak na ito sa Dagupan City na nahuli dahil rin sa ilegal na droga.

Mula Enero ngayong taon, 8 high-value targets na ang nahuli ng PDEA dahil sa ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.