Mga bahay sa Guagua, Pampanga, nasira sa lindol; 300 lumikas

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 09:54 AM

PAMPANGA — Higit 300 residente ang lumikas sa Barangay San Rafael, bayan ng Guagua matapos masira ang kanilang mga bahay dahil sa magnitude 6.1 na lindol Lunes ng hapon.

May mga bahay na umurong at lumubog sa lupa. Bumukas ang mga malalambot na lupa kung saan may mga lumabas na tubig at burak.

Pahirapan din ang pagdaan sa ilang kongkretong kalsada matapos itong mabiyak.

“‘Yung mga bahay diyan, nasira na, siyempre nakakatakot nang tirhan. Meron naman kaming evacuation center na malapit lang dito,” sabi ni Guagua Mayor Dante Torres.

Nananatili ang mga residente sa bagong bukas na evacuation center sa barangay. Tiniyak naman ni Torres ang mabilis na ayuda sa mga evacuee.

Samantala, nasira rin ang mga rebulto sa Immaculate Concepcion Parish Church dahil sa pagyanig.

Kasalukuyan pa ang pagsusuri sa iba pang gusali sa bayan.

Wala namang naitalang nasaktan o namatay sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.