Lola, patay nang madaganan ng gumuhong pader sa lindol

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 11:38 AM

Natabunan ng gumhong pader ang lola habang palabas sa isikinita sa kasagsagan ng lindol. Larawan mula kay John Dionicio

ANGELES CITY, Pampanga – Patay ang isang 74-anyos na babae matapos mabagsakan ng gumuhong pader sa naganap na lindol, Lunes ng hapon.

Dahil mahina na, hindi na nakayanan ni Rosita Masiclat ang makalabas sa eskenita sa Barangay San Jose nang lumindol.
 

“Parang nung may tumatakbong palabas sa daan, nakisama rin siya. Bumagsak 'yung pader sa kaniya,” ayon sa kaniyang anak na si Arnel.

Sa tulong ng isang residente, binuhat si Masiclat nang matabunan ng gumuhong pader. Nagtamo siya ng mga sugat sa ulo at katawan at naisugod pa sa pagamutan ng kaniyang 13-anyos na apo.

"Sa lola ko po sabi ko ‘wag kayong mag-panic, malapit na tayo sa ospital.' Hinang-hina po siya, may dugo na lumalabas po sa (bibig) niya,” sabi ng kaniyang apo.

Ayon sa Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office, isa ang patay habang 25 ang naitalang minor injuries dahil sa lindol, kabilang dito ang 8 naipit sa stampede sa isang mall sa Clark.

Patuloy pa rin ang pagmomonitor ng ahensya para sa mga karagdagan pang posibleng nasaktan sa pagyanig ng lupa.

Umabot na sa 11 ang bilang ng namatay sa pagyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang ilang lugar sa Luzon, Lunes ng hapon.

Naitala ang sentro ng lindol sa Castillejos sa Zambales.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.