Lalaki patay sa pamamaril sa Cagayan De Oro

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 04:21 PM

CAGAYAN DE ORO CITY -- Napatay ang isang lalaki sa lungsod na ito noong gabi ng Lunes matapos barilin ng umano ay pinsan ng kaniyang nobya. 

Inaresto ng pulisya ang lalaking pinsan ng nobya ng biktima dahil sa dati nitong pagbabanta sa buhay ng biktima. 

Kasama ng biktimang si Herman Patalinghog, 47, ang kaniyang nobya sa labas ng kanilang bahay nang huminto sa kanilang harapan ang nakamotorsiklong lalaking 2 beses bumaril sa ulo ng biktima, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Inamin ng suspek na pinagbantaan niya ang biktima pero itinangging siya ang bumaril dito.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder.

Ayon sa pamilya Patalinghog, tutol ang suspek sa relasyon ng biktima sa pinsan nito.

Pinag-aaralan din ng pulisya kung may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo.

Parehong sangkot sa ilegal na droga ang suspek at biktima, ani Police Maj. Abdula Alim Sumandar. --Ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.