Lalaki, nahugot mula sa gumuhong gusali sa Porac

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 12:14 PM | Updated as of Apr 23 2019 12:17 PM

Rescuers carry an earthquake survivor after being pulled out from the rubble of a commercial building following a 6.1 magnitude earthquake in Porac township, Pampanga on Tuesday. Bullit Marquez, AP

PORAC, Pampanga - Isang lalaki pa ang nahugot sa gumuhong apat na palapag na gusali sa Barangay Cangatba, bayan ng Porac.

Bandang alas-10 ng umaga ng Martes nang maisalba ang lalaki at agad isinugod sa pagamutan.

Sa datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), pito na ang nasagip sa bumagsak na building simula Lunes.

Lima pa rin ang patay sa pagguho, kabilang ang 2 bata.

Kung isasama ang mga namatay sa iba pang barangay sa Porac, may tatlong iba pa ang nasawi.

Nasa 18 pa rin ang pinaghahanap na pinaniniwalaang na-trap sa loob ng gusali.

Puspusan pa rin ang search and rescue operations dahil pinaniniwalaan na may senyales pa ng buhay sa ilalim ng gumuhong gusali.

Marami pang ibang nasirang istruktura sa bayan ng Porac na pinakamatinding napinsala ng magnitude 6.1 na lindol Lunes ng hapon.

Inaasahang darating sa bayan si Pangulong Rodrigo Duterte para personal na alamin ang sitwasyon Martes ng hapon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.