Eastern Samar niyanig ng magnitude 6.5 lindol

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 02:36 PM | Updated as of Apr 23 2019 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) -- Niyanig ng magnitude 6.5 lindol nitong hapon ng Martes ang Eastern Samar, wala pang 24 oras matapos tumama ang isang magnitude 6.1 lindol sa Zambales.

Tumama ang lindol sa layong 19 kilometro northwest ng San Julian, Eastern Samar ala-1:37 ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum na walang banta ng tsunami dahil sa lupa tumama ang lindol.

Wala ring kinalaman ang lindol sa Eastern Samar sa 6.1 lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Luzon, ayon kay Solidum.

Naunang iulat ng Phivolcs na may magnitude 6.2 ang lindol sa Eastern Samar pero itinaas din sa 6.5.

Ayon sa Phivolcs, Intensity VI ang naranasan sa San Julian.

Intensity V naman ang naiulat sa Tacloban City; Catbalogan City, Samar; General MacArthur, Salcedo at Guiuan sa Eastern Samar; Naval, Biliran; Catarman, Northern Samar; at Palo at Pastrana sa Leyte.

Naramdaman ang Intensity IV sa Abuyog, Hilongos, Javier, Capoocan, Julieta, Baybay, Barogo, Jaro, MacArthur, Matalum, at Villaba sa Leyte; San Francisco sa Southern Leyte; Bislig City sa Surigao del Sur; Iloilo City; Naga City; Sorsogon City; at Panganiban, Catanduanes.

Naranasan naman ang Intensity III sa Binalbagan, Negros Occidental; Cabalian, Southern Leyte; Dimasalang, Masbate; Butuan City; at Cabadbaran City.

Bago City at Bacolod City naman ang nakaramdam ng Intensity II, ayon sa Phivolcs.

Wala namang pinsala sa mga power facility at suplay ng kuryente sa Visayas kasunod ng lindol, ayon kay Energy Undersecretary Felix William "Wimpy" Fuentebella. -- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.