Barangay chairman, patay sa pamamaril sa Misamis Oriental

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 04:41 AM

MISAMIS ORIENTAL - Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin sa bayan ng Balingasag, Misamis Oriental Linggo ng gabi.

Nagtamo ng 5 tama ng bala si Claver Miral na barangay chairman ng Napaliran, Balingasag.

Ayon sa pulisya, pauwi ang biktima sakay ng kaniyang motorsiklo nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Barangay Hermano pasado alas-9 ng gabi.

Isinugod pa sa ospital sa Cagayan de Oro si Miral, pero idineklara itong dead on arrival.

Kuwento ng kaniyang asawa na si Lina, nagpaalam ang biktima na pupunta sa isang birthday sa kalapit na barangay, pero hindi umano ito sumipot.

Bumuo ng special investigation task group ang Misamis Oriental Police Provincial Office para imbestigahan ang motibo sa pamamaril. - Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.