Babae timbog sa pagbaril sa kinakasamang pulis sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 05:54 PM

Inaresto noong Lunes ang isang babae sa Quezon City matapos aksidenteng mabaril ang kinakasamang pulis at isa pang babae, ayon sa pulisya. 

Kinilala ni Quezon City Police District director Police Brig. Gen. Joselito Esquivel ang suspek bilang si Angeline Flora, 27 anyos.

Nag-iinuman bandang alas-5:30 ng hapon sa bahay sina Flora, ang kinakasama niyang si Patrolman Wilson Pepito, at Janet Macahilig nang bigla raw kuhanin ni Flora ang service firearm ni Pepito, ayon sa ulat ng pulisya.

Nagkaroon ng agawan sa pagitan ni Flora at ni Pepito nang aksidenteng pumutok ang baril, ayon sa ulat.

Tinamaan ng bala sina Pepito, 34 anyos, at Macahilig, 37 anyos.

Agad dinala sa ospital ang mga biktima.

Base sa imbestigasyon, may hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina Flora at Pepito, na kasalukuyang nakatalaga sa Caloocan City.

Kinasuhan ng frustrated homicide si Flora.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.