Sinibak na LTFRB director, pinaiimbestigahan sa korupsiyon si Martin Delgra

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2018 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumulog na sa Kongreso ang nasibak na regional director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para imbestigahan sa alegasyon ng korupsiyon ang chairman nitong si Martin Delgra III.

Ayon sa nasibak na si Jun Abrazaldo, dating pinuno ng LTFRB-Bicol Region, "inaarbor" o biglang kukuhanin ni Delgra ang mga kaso ng mga nahuhuli nila.

Isang trucking company at isang bus company ang partikular na binibigyan umano ng espesyal na atensiyon ni Delgra.

"Dapat nga iko-commend mo ako e, hindi mo ako kukuwestiyunin kung naka-uniform ba kami... itong diskarteng ito is a part of corruption," alegasyon ni Abrazaldo.

Dagdag pang bintang ni Abrazaldo, super espesyal din para kay Delgra ang isang bus company na base sa datos ng Region 5 ay notoryus na kolorum ang mga bus.

"Nagulat ako, segundo pa lang na nahuli namin 'yong colorum... bakit tumatawag na agad siya [Delgra] at inaabugaduhan niya," ani Abrazaldo. "Nakakalungkot pong isipin na mismong chairman mo inaabugaduhan 'yong mga colorum."

Nitong Biyernes, Abril 20, sinibak si Abrazaldo at ayon kay Delgra ay dahil ito sa ulat ng korupsiyon laban sa regional director.

"Unang-una po, hindi po ako ang nagtanggal sa kaniya. Siya'y isang presidential appointee.. it was a half-page report on him, and so I have to send an office order for him to look into the matter on an issue of corruption," ani Delgra sa isang panayam ng DZMM.

Hindi naman dito makapaniwala si Abrazaldo lalo pa't aniya'y halos 300 colorum na sasakyan ang kaniyang nasita sa halos anim na buwan niyang panunungkulan.

Sa multa pa lamang ng mga nahuli, kumita rin aniya ng P22 milyon ang lokal na pamahalaan, malayo sa P2 milyon sa isang buong taong nakolekta raw sa liderato ng dating direktor ng Region 5.

Nagtaka si Abrazaldo dahil imbes na i-congratulate ng main office, tinawagan pa umano siya at nakastigo.

"May mga kaso kaming hinahawakan, first day ko pa lang, kaka-submit ko pa lang ng show cause order, tumatawag na sa 'kin si Delgra," kuwento ni Abrazaldo. "Sabi niya, 'nakakaintindi ka ba o bobo ka lang?' 'Sir, bakit?' Sabi niya, 'You resign.' Sabi ko, 'sir, on what cause?' Wala akong alam kasi nadali ko ang... bus niya."

Tinawag din ni Abrazaldo na overkill o sobra-sobra ang umano'y pagsugod ng mga sundalo sa kaniyang tanggapan para palayasin siya sa puwesto.

Sabi niya, wala namang memo o direktiba mula sa central office o maski sa Malacañang kung saan nagsumbong si Delgra hinggil sa korupsiyon umano.

Sa imbestigasyon ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) kay Abrazaldo, hindi pa kumpirmado ang mga alegasyon.

Sa imbestigasyon naman ng LTFRB, inaabsuwelto na umano si Abrazaldo.

Inaantabayanan pa ang magiging panig ni Delgra sa pagpapaimbestiga sa kaniya ni Abrazaldo.

Bago pamunuan ang LTFRB, si Delgra ay isang abogadong nakabase sa Davao at naging bahagi ng legal team ni Duterte noong Halalan 2016.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.