P12 minimum pasahe, inihihirit sa modernong jeepney

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2018 07:59 PM | Updated as of Apr 24 2018 12:19 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humihirit ng P12 minimum pasahe ang ilang transport group para sa modernong jeepney na target ipasada simula Hunyo.

Ayon sa mga grupong Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at Pasang Masda, kailangan na talagang dagdagan ang pasahe para makaagapay ang mga tsuper sa pagtaas ng presyo ng langis, gayundin ang spare parts ng mga jeep at ilan pang pangunahing bilihin.

Kung kukuwentahin simula Enero, tumaas na ng P7.35 ang kada litro ng diesel; P6.42 ang kada litro ng gasolina, at P8.16 ang kada litro ng kerosene.

Sa Martes, Abril 24, nagbabadya pa ang panibagong taas-presyo ng langis.

Kaya naman nais na ng transport groups na desisyonan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyong gawing P10 ang pasahe sa ordinaryong jeepney ngayon lalo pa't higit P40 na ang ang kada litro ng diesel.

Nais naman ng transport groups ng dagdag 20 porsiyento, o papatak na P12 ang minimum pasahe, para sa modernong jeepney na de-air-con.

Kampante ang Fejodap at Pasang Masda na maiintindihan ng mga pasahero ang taas-pasahe lalo na at kapalit naman nito ay ginhawa at kaligtasan sa pagsakay sa makabagong jeepney.

Gayunman, ilang pasahero ang nagsabing masyadong mabigat ang P12 na minimum pasahe.

Sa katapusan pa ng Mayo ang susunod na pagdinig ng LTFRB ukol sa petisyon sa pasahe.

Dati nang iginiit ng transport groups na nakaumang ang P12 pasahe kung itutuloy ang anila'y "jeepney phaseout."

Bukod sa petisyong dagdag-pasahe, nakikiusap din ang transport groups sa mga bangko ng gobyerno na luwagan pa ang rekisito para makautang ng pambili sa bagong jeep. 

Noong nakaraang taon, gumawa ng ingay ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat pagsapit ng Enero 2018 ay naipatupad na ang programang modernisasyon ng pampasaherong jeep, sa kabila ng apela ng mga grupo na hindi nila kakayanin ang presyo ng mga bagong unit.

"Sa January 1, kapag hindi niyo na-modernize yan, umalis kayo," ani Duterte sa isang talumpati noong Oktubre. "Mahirap kayo? P****g i*a, umalis kayo. Magtiis kayo sa hirap at gutom, wala akong pakialam. It’s the majority of the people, huwag niyong ipasubo ang tao."

Hindi man natuloy ang deadline ng pangulo, ikinasa naman ng inter-agency council on traffic ang panghuhuli sa mga pumapasadang "bulok" at "mausok" na jeepney simula noong Enero.

-- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.