Nanitang 'inspector' ng city hall, tumangay ng P25,000

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2018 06:37 PM | Updated as of Apr 23 2018 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ng mga pulis ang isang grupo ng mga lalaki sa Maynila na nagpakilalang mga inhenyero ng lungsod at tumangay ng P25,000 mula sa isang senior citizen.

Kuwento ng biktimang si "Maribeth," pinuntahan noong Abril 17 ng tatlong lalaking nagpakilalang mga tauhan ng Manila City Engineer's Office ang kanilang bahay, na noo'y sumasailalim sa minor renovation. 

Sinabi ng mga nagpakilalang inhenyero na may paglabag umano sa renovation at kailangan magmulta nina Maribeth ng P25,000.

Pero lingid sa kaalaman ng mga salarin ay malinaw na nakuhanan ng CCTV sa barangay nila Maribeth ang plaka ng kotseng sinakyan nila matapos hingan ng pera ang biktima.

Ipatatawag ng pulisya ang may-ari ng sasakyan, ayon sa imbestigador na si Police Officer 1 Danilo Kabigting.

Ayon naman kay Rogelio Legaspi mula sa Manila City Engineer's Officer, matagal na nilang naririnig ang modus ng mga nagpapanggap na inspektor.

Hinimok ni Legaspi ang publiko na huwag magdalawang-isip na magtanong kapag may mga kahina-hinalang nagpakilalang inspektor.

Paliwanag ni Legaspi, kailangang nakasuot ng kumpletong uniporme, magpakilala, at magpakita ng ID at mission order ang kanilang mga tauhan kapag magsasagawa ng inspeksiyon.

"Hindi sila magde-demand ng whatever. I-inform nila to secure the necessary permit sa letter. Pero 'yong mag-apprehend o mananakot, never na gagawin 'yon," sabi ni Legaspi. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.