Lalaking nasa drugs watchlist, patay sa pamamaril sa Tondo

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2018 12:49 PM

MAYNILA - Patay ang isang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa kanto ng Antipolo Street sa Tondo, Maynila, Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ferdinand Estrella, 42-anyos, na residente ng Barangay 217.

Batay sa paunang ulat, bibili sana ng pagkain sa karinderya ang biktima dakong alas-11:30 ng gabi nang harangan siya ng sasakyan kung saan bumaba ang isang suspek at malapitang binaril sa ulo ang biktima.

Nakalap ng SOCO ang isang basyo ng kalibre .45 na baril sa pinangyarihan ng krimen.

Isa sa tinitingnang anggulo sa pamamaslang ang droga lalo’t pasok umano sa drugs watchlist ng barangay ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.