Lalaking nagselos, binugbog ang kinakasama

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2018 09:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan sa isang kalye sa Pasay City ng CCTV ang pananakit ng isang lalaki sa kaniyang kinakasama, na nag-ugat umano sa selos.

Sa kuha, maghahatinggabi noong Sabado, makikitang magkasama sa may Luna Street sina alyas "Vito" at ang live-in partner niyang si alyas "Helen."

Makalipas ang ilang minuto, mag-isa nang bumalik si Helen at umupo sa gilid ng kalye.

Ilang saglit matapos ito, tumakbo palapit sa kaniya si Vito at biglang pinagsusuntok ang babae.

Inihagis ni Helen ang bag papunta kay Vito pero hindi ito tinamaan. Lumapit ulit ang lalaki at sumuntok pero pumalag na rin ang kinakasama.

Napaupo si Vito dahil sa dumaang patrol ng mga pulis.

Nagsumbong sa mga pulis ang mga taong nakatunghay sa pananakit kaya dinala ang magkasintahan sa barangay.

Kuwento ni Helen, nag-ugat ang kanilang away dahil may pinagseselosan si Vito.

Humingi ng tawad si Vito matapos dalhin si presinto at sinabihang maaari siyang kasuhan ng violence against women.

Sa barangay hall pumirma ng kasunduan ang dalawa na nagsasabing hindi na mauulit ang insidente.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.