Ilang informal workers, hirap makakuha ng pass papasok ng Boracay

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2018 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Namomroblema ang mga informal worker sa Boracay na hindi makakuha ng terminal pass papasok ng isla dahil sa kakulangan sa rekisito.

Libo-libong manggagawa sa Boracay ang nagtungo sa Cagban Jetty Port noong mga nakaraang araw para kumuha ng terminal pass na magsisilbing pahintulot para sila'y makapasok sa isla, na ipasasara simula Abril 26.

Pero hindi lahat sila'y pumapasa dahil kulang sa mga rekisito gaya ng certificate of employment, company ID, at government-issued ID.

Isa sa kanila ang tindero ng souvenir na si Norodin Amatonding, na sinabihang hindi maaaring bigyan ng terminal pass dahil walang certificate of employment.

Wala rin kasing employer si Amatonding sa kaniyang hanapbuhay.

"For how many years kasi nandito kami sa Boracay, hindi naman kami under ng company, mayroon kaming small business lang," aniya.

Ayon sa port administrator na si Niven Maquirang, kailangan talagang sundin ang mga patakaran pero pakikinggan naman ang isyu ng mga informal worker. 

Para naman makapasok ang mga residente, kailangan lang nilang ipakita ang kanilang mga ID na may nakalagay na address sa Boracay.

Pinasinayaan din nitong Lunes sa Caticlan Jetty Port ang inter-agency action center kung saan maaaring idulog ang mga isyu ng mga gustong pumasok sa isla.

Sa anim na buwang rehabilitasyon ng Boracay, sa Caticlan Jetty Port lang maaaring dumaan papasok ng isla.

Ayon kay Chief Superintendent Cesar Binag, pinuno ng Western Visayas police, handa sila sa mga "worst case scenario" o ano mang panganib na maaaring dumating.

Nasa 630 tauhan ang itinalagang miyembro ng Joint Task Force Boracay na kinabibilangan ng mga kawani ng Western Visayas police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at ilang civic groups.

Simula Abril 26, alas-sais ng umaga hanggang alas-10 ng gabi papayagang pumasok sa isla ang mga residente. Alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi naman ang iskedyul para sa mga manggagawa.

Nagdesisyon ang pamahalaan na isara ang Boracay sa loob ng anim na buwan upang isaayos at linisin ang isla na napinsala ng polusyon at mga estrukturang lumabag sa mga batas pangkalikasan.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.