Epekto ng mainit na panahon, pinangangambahan sa mga palaisdaan

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2018 09:34 PM

SANTA CRUZ, Davao del Sur - Pinangangambahan ng mga may-ari ng palaisdaan sa Davao del Sur ang magiging epekto ng mainit na panahon sa kanilang negosyo. 

Ramdam na ang init ng panahon sa Davao region na nasa 24 hanggang 32 degrees Celsius na temperatura ngayong Lunes.

Dahil din umano sa mainit na temperatura sa paligid at mismong sa tubig-dagat sa mga fish cage sa Barangay Tagabuli sa bayan ng Santa Cruz, kapansin-pansin na rin ang lumulutang na patay na isda.

Ang ibang may-ari ng mga fish cage, agad nang ibinebenta ang mga alagang bangus na nasa tamang gulang at laki na.

Ayon kasi sa mga may-ari ng palaisdaan, nababahala sila sa mga fingerlings na susunod nilang papalakihin dahil tiyak na maaapektuhan na ito ng mainit na panahon.

Ayon kay Rey Mildo, isa sa mga may-ari ng fish cage sa lugar, mahina ang paglaki ng mga bangus kapag mainit ang panahon.

Sa ,ngayon nasa higit sa 600 fish cage ang nasa Barangay Tagabuli na pawang bangus ang pinalalaki.

Maliban sa mga isda, nababahala din ang mga awtoridad sa posibleng epekto ng mainit na panahon sa mga poultry at livestock farms.

Sa ngayon, wala pang naiulat na epekto ang mainit na panahon sa mga ibang alagang hayop sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.