PatrolPH

Ilang mangingisda sa Pola nanawagan ng agarang aksiyon sa oil spill

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2023 03:39 PM

 Larawan kuha ni Russel Tan/Pola Oriental Mindoro official page
Larawan kuha ni Russel Tan/Pola Oriental Mindoro official page


Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Earth Day, nagtipon-tipon ang ilang mangingisda mula sa bayan ng Pola, Oriental Mindoro na apektado ng oil spill para sa programa na inorganisa ng isang environment advocate group.

Layon ng pagtitipon na hilingin sa pamahalaan ang agarang aksiyon para mahinto ang oil spill na sobra na umanong nagpapahirap sa kanilang buhay.

Una ng nagsagawa ng programa ang grupo kahapon sa Verde Island Passage, isa rin sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill.

Ayon kay Gerry Arances, executive director ng Center for Energy and Ecology Development, nakatutok sila sa mga lugar na apektado ng oil spill dahil sa banta nito hindi lamang sa kalusugan kundi na rin sa kalikasan at kabuhayan.

"Sa bahagi po ng Protect VIP, kami po ay nagtutulak talaga ng protection ng Verde Island Passage kasi tong VIP ay yaman ng mga taga Mindoro, ng mga taga Batangas gayun din ng buong bansa natin at in fact ito rin ay yaman ng buong daigdig," ani Arances.

Dagdag pa ni Arances na nababahala rin sila sa tagal ng pag-resolba ng oil spill dahil sa epekto nito sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Oriental Mindoro bukod pa sa epekto sa ekonomiya.

"Alam naman natin na pag summer, ito yung panahon na ang mga resorts dito ay kumikita at malamang sa malamang ay magsisipag bagsakan yung negosyo. Alam natin na bilyon-bilyon yung mawawala dahil sa oil spill na ito," sabi niya.

Isa ring human spill boom ang isinagawa ng grupo sa Pola Bay bilang simbolo ng pagkakaisa at determinasyon ng mga apektado ng oil spill na ipagpatuloy ang laban at papanagutin ang mga may responsibilidad sa trahedya.

Samantala, nagkaloob naman ang Caritas Manila sa Apostolic Vicariate of Calapan ng P4-M na gagamiting pampondo sa mga itatayong livelihood projects para sa 50 household fisherfolks mula sa 5 barangay ng Misong, Batuhan, Tagumpay, Buhay na Tubig at Bacawan sa Pola, Oriental Mindoro.

— Ulat ni Noel Alamar

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.